Sabado, Abril 5, 2014

Desiderata

Taliwas sa paniniwala ng karamihan, ang tula na may pamagat na Desiderata ay hindi natagpuan sa matandang simbahan ng St. Paul, sa Baltimore, USA at may petsang 1695. Ito ay gawa ng Amerikanong manunulat na si Max Ehrmann noong 1927. Mula sa Latin, and salitang Desiderata ay nangangahulugan ng bagay na kailangan. Ang tulang Desiderata ay nagbibigay ng mga payo na maaari nating gamiting gabay sa pang araw-araw nating pamumuhay. Ang tulang ito ay sinasabing unibersal sapagkat ang mga katotohanang hatid nito ay angkop pa rin sa kasalukuyang panahon. Di tulad ng karaniwang tula, ito ay nasulat sa anyong “free verse” at mayroong malayang sukat at taludturan. Gaya ng karaniwang tula, makikita rin rito ang mga tayutay o "figures of speech".

Pumili ako ng mga paborito kong saknong sa salin ng tulang ito. Naglagay ako ng sarili kong kumento sa bawat isa.

“Hanggang maaari at walang isinusuko pakitunguhang mabuti ang lahat”.

Praktikal lang ang payo na ito. Ikaw rin ang mahihirapan kung meron kang kagalit o kinaiinisan. Sige ka ikaw rin ang sisikip ang dibdib at papangit sa kakasimangot. Dedma lang sa mga taong di ka feel. Hangga’t di ka ginagalaw, sige lang magsasawa rin ‘yan. Sabi nga ni Sampaguita “huwag mong pansinin ang naninira sa ‘yo basta’t alam mo lang na tama ang ginagawa mo”. Bakit, “nosi balasi”? At hindi rin kabawasan sa iyong pagkatao ang pag-iwas sa gulo o ang paghingi ng tawad kung ikaw ang nagkamali. Peace lang tyo men, o women.

“Bigkasin ang iyong katotohanan nang banayad at malinaw; at makinig sa iba; kahit sa dungo at walang-muwang; may isinasalaysay din sila.”

Say your piece. Sabihin mo ang dapat mong sabihin ng mahinahon. Kalma lang. Pero huwag mong ipilit ang pananaw mo sa iba. May kanya-kanya tayong opinyon.

Makinig sa istorya ng iba. Everyone has his or her story, ika nga sa Ingles. Meron kang di alam na alam naman nila at sila naman, may alam ka na di nila alam. Malay mo may mapulot kang bago na kapaki-pakinabang sa iyo hango sa kanilang karanasan. Maging bukas ang isipan.

“Kapag inihambing mo ang sarili sa iba, maaari kang maging hambog at mainggitin; sapagkat laging may taong hihigit at bababa kaysa iyo.”

Huwag mong ikumpara ang sarili mo sa iba. Meron tayong kanya-kanyang paglalaklakbay. Iba-iba ang pacing natin sa pagasenso. Huwag mong ida-down ang sarili mo. Maging masaya sa tagumpay ng iyong mga kaibigan. Maging inspirasyon sila sa iyo. Alisin na nating mga Pilipino ‘yang crab mentality na ‘yan. Maging kuntento sa kung ano ang meron ka ngayon. Magpasalamat sa Panginoon sa mga blessings na bigay Nya sa’yo.

“Tamasahin ang iyong mga tagumpay at mga balak. Magmalasakit sa iyong gawain, anumang hamak, sapagkat iyong-iyo ito sa pagba-bago ng kapalaran.”

Abutin mo ang ‘yong mga pangarap. Pagsumikapan mo. Kaya mo ‘yan. Mahalin mo ang trabaho mo. Maging proud ka rito. Huwag mong nila-lang lang ang trabaho mo kahit ano pa yun. Sabihan mo “Tindera ako!” kung ikaw ay ganun gaya ng sabi ng drawing sa poste ng MRT na malapit sa Guadalupe. Ang patuloy mong pagiging masipag ang magbabago sa kapalaran mo. Hinding hindi ka magugutom.

“Maging ikaw. Lalo na, huwag magkunwa sa paggiliw.”


Ilang beses na nating narinig ang katagang “Be yourself”. Mula pa kay Socrates na nagsabing “Know thyself” hanggang sa bandang Nirvana na nagsabing “Come as You are”. "Accept yourself" sabi ni Morrissey ng bandang The Smiths. Tama naman. Huwag kang plastik. Kumilos ka lang ng ikaw. Huwag kang magbago para sa iba. Kung di ka nila magustuhan ayos lang. Hindi mo rin sila gusto. Ituloy mo lang gawin ang nagpapasaya sa’yo. Wala kang dapat ikahiya. Wala ka namang ginagawang masama. “Be weird” kung “weird” ka and “be confident about it” sabi nga. Huwag pansinin ang kantyaw ng iba. Sabi nga ng PE teacher ko noong araw “MYOB”. Mind your own business. Hindi mo na business kung ano man ang iniisip sa iyo ng iba. Don’t give a shit about what others say about you. Mas maraming mas makabuluhan na bagay na dapat pagtuunan ng panahon mo.

“Ibukas ang loob sa pangaral ng mga taon, isukong mahinahon ang mga bunga ng kabataan.”

With age comes wisdom di ba. Matuto sa iyong mga pinagdaanan. Lahat naman tayo puputi ang buhok. Isukong mahinahon ang ‘yong kabataan kung panahon na.

“Subalit huwag ilugmok ang sarili sa mga alalahanin. Maraming takot na isinisilang sa pagod at pangungulila.”

Lagi ka na lang stress. Chillax. Sundin mo ang payo ng kanta. “Don’t worry, be happy”.

“Anak ka ng sanlibutan, hindi hamak kaysa sa mga punongkahoy at mga bituin; may karapatan kang mabuhay dito.”

You are a child of the universe. You have a right to be here on Earth. Kahit pangit ka pa, mataba, may sakit o kapansanan, o mahirap may karapatan kang mabuhay sa mundo. Lahat tayo ay nilikha ng Dyos. Sumisikat ang araw para sa lahat. ‘Yan ang huwag mong kakalimutan.

“Sa kabila ng mga kasinungalingan nito, kabagutan at mga wasak na pangarap, isa pa rin itong magandang daigdig.”

Huwag malungkot sa mga napapanood mo sa news sa TV. Di naman puro bad news ang nangyayari sa mundo. Sensationalized ang news at pelikula.

“Mag-ingat. Magsikap lumigaya.”

“You can walk away from loneliness anytime you choose”. Sabi nga ni Terry Hall ng bandang The Colourfield sa awiting “Thinking of you”. Nasasaiyo ang desisyon. Mananatili ka bang malungkot or pipiliin mong maging maligaya. Mahirap kung nasa kalungkutan ka na. Kaya’t kailangan mong pagsumikapan.



DESIDERATA
Salin ni Virgilio S. Almario

Humayong panatag sa gitna ng ingay at
pagmamadali at alagatain ang kapayapaang
masusumpungan sa katahimikan.

Hanggang maaari at walang isinusuko
pakitunguhang mabuti ang lahat

Bigkasin ang iyong katotohanan nang banayad at malinaw;
at makinig sa iba; kahit sa dungo at walang-muwang;
may isinasalaysay din sila.

Umiwas sa maharot at mapusok
mga tinik sila sa isip.

Kapag inihambing mo ang sarili sa iba,
maaari kang maging hambog at mainggitin; sapagkat
laging may taong hihigit at bababa kaysa iyo.

Tamasahin ang iyong mga tagumpay at mga balak.
Magmalasakit sa iyong gawain, anumang hamak,
sapagkat iyong-iyo ito sa pagbagu-bago ng kapalaran

Magdahan-dahan sa iyong pangangalakal;
Sapagkat and daigdig ay hitik sa panlilinlang.
Subalit huwag ka namang bulag sa kagalingan;
maraming magsisikap tungo sa matayog na mithiin;
at kahit saan, ang buhay ay hitik sa kabayanihan.

Maging ikaw. Lalo na, huwag magkunwa sa paggiliw.

Huwag ding libakin ang pag-ibig;
Sapagkat sa harap ng mga dalita at panlulupaypay
sumisibol ito tulad ng damo.
Ibukas ang loob sa pangaral ng mga taon,
isukong mahinahon ang mga bunga ng kabataan.
Alagaan ang sariling lakas upang maikalasag
laban sa biglang kasawian.
Subalit huwag ilugmok ang sarili sa mga alalahanin.

Maraming takot na isinisilang sa pagod at pangungulila.
Magpakundangan bagaman masugid
sa pagsupil sa sarili.

Anak ka ng sanlibutan,
hindi hamak kaysa sa mga punongkahoy at mga bituin;
may karapatan kang mabuhay dito.
At malinaw man ito o hindi sa iyo,
tiyaking lumiliwayway ang sanlibutan tulad ng
nararapat.

Sa makatuwid manalig sa Diyos, sinuman Siya sa iyo,
at anuman ang iyong mga tungkulin at adhika,
manalig sa sarili sa gitna ng magulang buhay.
Sa kabila ng mga kasinungalingan nito,
kabagutan at mga wasak na pangarap,
isa pa rin itong magandang daigdig.

Mag-ingat. Magsikap lumigaya.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento